"Kabang'di ko maipaliwanag"
Kitang-kita sa aming mga mukha ang kasiyahan sa mga oras na iyon. Kami ay tila mga survivors ng isang aksidente na pagkatapos ng pangyayari ay nakakita ng liwanag at bagong pag-asa. Subalit meron namang iba sa amin na kung humagulhol ay tila daig pa ang nawalan ng mahal sa buhay. Kung ikaw ay isa sa amin, tiyak mararamdaman mo rin ang mga nararamdaman namin. Naniniwala kami na ang tumanggap ng grado ay parang isang paghuhukom na sa ayaw mo at sa hindi ay kailangan mong malaman ang resulta ng iyong pinagpaguran kung naipasa mo ba ang iyong sabdyek. Una naming pinuntahan ang aming Chemistry Professor na si Ma'am Jala. Habang hinahakbang ko ang aking mga paa patungo sa faculty room, ay dinig ko din ang mga nagsasalpukang kaba ng aking dibdib na tila gustong tila gustong sumabog. Kaya nang binigay na pabalik sa amin ang aming handbook, huminga ako ng malalim at hinay-hinay kong tiningnan ito.Napawi talaga ang naghihikaos kong hininga nang makita kong pumasa ako. Yehey! Hindi ko na talaga nabilang kung pang-ilang beses na ako nagpasalamat sa Panginoon. Nadama ko ang sobrang kasiyahan. Subalit ng makita ko ang aking ibang mga kaklase na tila namumutla at nagsisimulang tumulo ang luha, wari yata'y nadala ako sa kanilang emosyon. Naiiintindihan ko sila. Alam ko ang pakiramdam na ang iba sa kanila ay hindi inaasahan ang nangyaring pagkakabagsak. Alam ko na gaya ko, nagsikap at nagpakapagod din silang mag-aral ng buong gabi dahil magkakaroon ng pagsusulit sa Chemistry kinabukasan. Pero ganyan talaga ang buhay. Minsan kailangan mo talagang tanggapin ang masakit na katotohanan kahit labag mo sa kalooban ito. Sa ngayon, sabay kaming nagsikap ng aking mga kaklase. Misyon namin na sana wala nang babagsak pa.